Plantsado na ang harapan ng NBA Finals simula sa Biyernes matapos na idispatsa kanina ng Boston Celtics ang Miami Heat sa score na 100-96 sa makapigil hininga na Game 7.
Haharapin ng Boston ang nag-aantay na Golden State Warriors makaraang magkampeon din sa Eastern Conference finals nang mangibabaw sa serye, 4-3.
Mula sa first quarter hanggang sa matapos ang 4th quarter ay hindi bumitaw sa kalamangan ang Boston.
Tinangka pang dumikit ng Miami sa huling 11 segundo pero hindi na kinaya at kinapos na.
Nanguna sa opensa ng Celtics si Jason Tatum na may kabuuang 26 points.
Malaking tulong naman ang ginawa nina Marcus Smart at Jalen Brown na parehong may tig-24 puntos.
“Today was the biggest test, not just of the year, but of our careers: to mentally come into a Game 7 away, after losing on our home court, and we got it done,” ani Tatum matapos ang game at suot pa ang Kobe Bryant armband na No. 24.
Ang 24-anyos na swingman na si Tatum ang nanalo rin sa unang Larry Bird award bilang MVP sa Eastern Conference.
Sa kampo naman ng Heat, nasayang ang ginawang diskarte ng All-Star player na si Jimmy Butler na may kabuuang 35 points at nine rebounds sa harap ng kanilang sellout crowd sa FTX Arena sa Miami.
Samantala ito ang unang pagkakataon na uusad sa NBA Finals ang Boston makalipas ang 12 taon.
Kung maalala, dalawang taon na ang nakakalipas ay nagkaharap din Eastern Conference finals ang Boston at Miami pero nanaig ang huli na umabot pa sa NBA Finals.