Patuloy na umaasa si Boston Celtics center Kristaps Porzingis na tuluyan na siyang makakabalik at makakapaglaro sa NBA 2024 Finals sa pagitan ng Boston Celtics at Dallas Mavericks.
Ayon kay Porzingis, patuloy na umaasa ang kanyang kampo na mabibigyan na siya ng clearance at makakabalik na sa paglalaro sa Game 1 ng NBA Finals na nakatakda sa araw ng Biyernes, oras sa Pilipinas.
Nang matanong ang Boston big man kung 100% healthy ba ito, sumagot siyang ginagawa niya ang lahat ng makakaya upang maibalik ang dating laro.
Si Porzingis ay dumanas ng injury sa kanyang binti noong April 30, sa kasagsagan ng Game 4 na laban ng Boston at Miami Heat sa unang round ng Playoff.
Sa kabila ng kanyang hindi paglalaro, nagawa pa rin ng Boston na ipakita ang magandang performance sa kabuuan ng playoffs hanggang sa umabot sila sa championship.
Sa katunayan, hawak ng Boston ang 9 – 1 win/loss record sa mga playoff games na hindi nakapaglaro si Porzingis.
Gayunpaman, naniniwala naman ang Boston management na mas maganda ang performance ng koponan kung naglalaro ang 7 footer na sentro.
Sa katatapos na regular season, hawak ni Porzingis ang average na 20.1 points, 7.2 rebounds at 1.9 blocks sa loob ng 57 games na kanyang inilaro.