-- Advertisements --

Gumanti ang Boston Celtics sa kasalukuyang best NBA team na Cleveland Cavaliers, 112 – 105.

Maalalang sa huling tapatan ng dalawang koponan noong Disyembre-2, 2024 ay ibinulsa ng Cavs ang 4-point win laban sa defending champion. Ngunit sa naging banggaan ng dalawa ngayong araw(Feb 5), dinumina ng Boston ang buong laban at ibinulsa ang pitong puntos na kalamangan.

Sa pagtatapos ng unang quarter, tangan ng Boston ang 13 points na kalamangan, 28 – 15. Naibaba ng Cavs sa sampung puntos ang kalamangan sa ikalawang quarter ngunit tuluyan ding ibinalik ng Boston sa 12 points sa pagtatapos ng 3rd quarter.

Muling pinagana ng Cavs ang 4th quarter explosion kontra sa Celtics ngunit tanging limang puntos lamang ang nagawa nitong burahin hanggang sa tuluyang matapos ang laban sa 112 – 105.

Hindi naging sapat ang 31 points, 10 rebounds ni Cavs guard Donovan Mitchell, kasama ang 25 points ng kapwa guard na si Darius Garland.

Nagawa kasi ng lahat ng player ng Boston na mag-ambag ng double-digit points sa kabuuan ng laban sa pangunguna ni Jayson Tatum na kumamada ng 22 points at pitong assists.

Sa apat na banggaan ng dalawang koponan ngayong season, tig-dalawang panalo ang naibulsa ng bawat isa.

Nananatiling No. 1 sa Eastern Conference ang Cavs habang No. 2 naman ang defending champion na Boston.