Dumanas ng 54-point na pagkatalo ang Toronto Raptors sa New Year match nito sa Boston Celtics, 125 – 71.
Walang-awang tinambakan ng Boston ang Raptors mula pa sa unang quarter habang nililimitahan din nito ang kalaban sa 31.4% shooting gamit ang mahigpit na depensa.
Sa kabuuan ng laban ay kumamada kasi ang Boston ng 14 steals at pinilit nito ang mga player ng Toronto na gumawa ng 21 turnover.
Dinomina ng Boston ang 3-point line at paint area, habang mahigpit nitong binantayan ang opensa ng kalaban: 22 3-pointers ang naipasok ng defending champion habang sampu lamang ang kasagutan ng kalaban; 44 points ang naipasok nito sa paint habang 26 lamang ang nagawa ng Raptors.
Bagamat 29 mins. lamang na naglaro sa hardcourt, nagawa ni Jayson Tatum na pangunahan ang kaniyang koponan sa pamamagitan ng 23 points at walong rebound.
Sa 13 players ng Boston na naglaro laban sa Raptors, 12 sa kanila ang nagawang magpasok ng puntos. Tanging ang batikang sentro na si Al Horford ang hindi nakagawa ng puntos, at tanging anim na rebound at apat na assists ang kaniyang kontribusyon.
Naging malamiya ang opensa ng Raptors sa kabuuan ng laro kung saan sa ikalawang quarter lamang nakagawa ang koponan ng 20-point performance. Pawang below 20 points na ang naipasok ng mga players sa tatlong quarter.
Tanging si Scottie Barns ang gumawa ng double-digit score, kasama ang 13 rebounds. Pawang single digit na ang kontribusyon ng iba pang players. Ito na ang ika-26 na pagkatalo ng Raptors ngayong taon habang napako na sa pito ang panalo nito.
Hawak naman ng Boston ang 24 – 9 na kartada.