Mistulang gumawa ng statement ang NBA defending champion Boston Celtics sa opening ng NBA 2024-2025 season matapos nitong tambakan ang New York Knicks ng 23 big points, daan upang ibulsa ng Celtics ang pinakaunang panalo sa regular season.
Sa unang quarter pa lamang, nagbuhos na ang Celtics ng 43 points habang 24 points lamang ang nakayang iganti ng Knicks.
Napanatili ng Celtics ang 19 points na kalamangan sa kabuuan ng 1st half at lalo pa itong nadagdagan sa pagtatapos ng 3rd quarter at umabot sa 26 points.
Hindi na nagawa ng Knicks na humabol pa bago matapos ang laro sa score na 132 – 109.
Isang double-double performance ang ipinakita ni Celtics forward Jayson Tatum na kumamada ng 37 points at sampung assists.
Nag-ambag naman ng 23 points at pitong rebound si 2024 Finals MVP Jaylen Brown habang solidong 24 points ang kontribusyon ni Derrick White.
Sa panig ng Knicks, kapwa nagbuhos ng tig 22 points sina Jalen Brunson at bench Miles McBride.
Nalimitahan lamang sa 12 points ang bagong sentro ng koponan na si Karl-Anthony Towns, kasama ang pitong rebounds sa kaniyang unang regular season game bilang Knicks.
Nagawa ng Boston ang naturang panalo sa kabila ng 55.1% na episyenteng shooting ng Knicks.
Nagpasok kasi ang Boston ng 29 3-pointers sa kabuuan ng laro mula sa 61 attempts.
Ang Boston ang tinanghal na champion nitong 2024 NBA Finals matapos talunin ang Dallas Mavericks sa loob ng limang game.