-- Advertisements --
IMG 20191008 111207

Kinumpirma ngayon ng Supreme Court (SC) na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET) na hindi inaksiyunan ng mga mahistrado ang poll protest ni dating Sen. Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.

Ayon kay SC Spokesman Brian Hosaka, ang reklamo ni Marcos ay nananatiling pending at kailangan pa ang deliberasyon.

Ito na ang ikatlong pagkakataon na hindi pinagbotohan ng mga mahistrado ang draft ruling ni Associate Justice Benjamin Caguioa.

“For those inquiring, the PET did not take any action on the Vice Presidential Election Protest Case during the tribunal’s session today, the said case remains pending and is still being deliberated by the members of the tribunal,” ani Hosaka.

Ayon naman sa mapagkakatiwalaang source ng Bombo Radyo Philippines, sa Oktubre 15 daw isasagawa ang botohan.

leni robredo vigil PET SC supporters

Nauna nang inanunsiyo ng SC noong Setyembre ang pagtatapos ng recount at revision sa 5,415 polling precincts mula sa tatlong tinukoy na pilot provinces sa inihaing poll protest ni Marcos.

Kabilang dito ang mga lalawigan ng Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental.

Ayon kay Marcos nagkaroon ng iregularidad sa 2016 vice presidential race matapos lumamang si Robredo ng mahigit 260,000 votes.

Nanindigan naman ang kampo ng bise presidente na walang dayaan sa pagkapanalo nito noong 2016.