-- Advertisements --

Nagkainitan ang mahigpit na magkaribal na sina Danny Garcia (33-0, 19 KOs), ang WBC world welterweight champion at si Keith Thurman (27-0, 22 KOs, 1 NC), ang WBA world welterweight champion nang magkaharap para sa official weigh in.

Ang undefeated na si Garcia ay tumimbang sa 146½ pounds habang si Thurman na wala pa ring talo, ay bahagyang magaan lamang sa 146¼ pounds sa ginanap na weigh in sa Long Island University’s Paramount Theater sa Brooklyn.

Ang dalawa ay kapwa pasok sa 147-pound limit kaugnay ng kanilang unification fight na magaganap bukas sa Barclays Center sa Brooklyn.

Kung kahapon ay naging maayos at walang drama ang final press conference, kanina naman ay nagkainitan ang dalawa at nagpalitan ng maaanghang na salita sa ginanap na face off.

Dahil sa asta ng dalawang kampeon, kinailangan pa silang paghiwalayin sa gitna ng stage bago pa man magkapikunan.

Sinasabing abanse ng bahagya si Thurman, 28, na taga-Florida sa pustahan o nasa 2-1 favorite kumpara kay Garcia ng Philadelphia.

Ayon kay Thurman, 21 taon na siyang nagboboksing at hindi niya hahayaang maagaw ng madali ang kanyang korona.

Para kay Thurman, marami siyang bentahe sa laban at sa maraming bagay lalo na sa mga talino at diskarte.

Para naman kay Garcia, na magiging 29-anyos na sa March 20, baliwala sa kanya kung underdog man ang tingin sa kanya.

Kung sinasabi umano ni Thurman na ito ang best welterweight, siya naman ang best welterweight sa buong mundo.

Malaki ang kumpiyansa ni Garcia dahil swerte sa kanya ang venue lalo na at 5-0 siya sa Barclays Center mula ng magbukas ang lugar noong taong 2012.