-- Advertisements --

DAVAO CITY – Ikinabahala ng isang boxing coach ang biglaang pagbabago sa itinakdang laban nina Senator Manny Pacquiao at Errol Spence Jr. sa Agosto 22.

Ito ay matapos na mag-anunsyo ang World Boxing Association sa pag-atras ni undefeated American boxer Errol Spence Jr. dahil sa natamo nitong injury sa mata sa kalagitnaan ng training.

Kaagad na lang nakahanap ng kapalit ang WBA, na kinilalang si Cuban boxer at welterweight champion Yordenis Ugas na siyang magiging defender sa laban.

Ayon kay Dodong Tarle, isang boxing coach, kailangan na matalo ni Manny si Ugas, kahit walang gaanong dangal na makukuha ang fighting senator dahil sa last minute na preparation ng Cuban boxer.

Pero nilinaw naman ng coach na malaking kahihiyan kung sakaling matalo ni Ugas si Pacquiao na siyang magsilbing challenger sa naturang laban.

Ikinabahala rin ng coach na baka istratehiya lang ang naturang pagbabago at ang posibilidad na nakapaghanda si Ugas ng husto at napag-aralang gayahin ang galaw ni Manuel Marquez na siyang isa sa pinakamatinding naging kalaban ni Pacquiao.