-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Naniniwala ang boxing coach ni Nesthy Petecio na mananalo ang Pinay boxer sa laban nito ngayong tanghali sa Round of 16 ng women’s featherweight class ng nagpapatuloy na 2020 Tokyo Olympics sa Japan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay boxing coach Nolito Velasco live mula sa Japan, sinabi niya na hindi pa nagharap sa anomang mga international at world boxing championships si Petecio at ang makakaharap nito ngayong tanghali na si #1 seed Yu-Ting Lin ng Chinese Taipei.

Bagaman magkaiba ang bracket nina Petecio at Lin, sinabi ni coach Velasco na ilang araw din na pinag-aralan nila ang laro ni Lin at pinagplanohan nila ng mabuti ang mga dapat na maging galaw ni Petecio.

Aniya, magiging maganda ang resulta ng laban ni Petecio ngayon basta masunod nito ang inihanda nilang plano.

Inamin ni coach Velasco na medyo mabagal ng kaunti si Petecio ngunit hindi aniya maiwasan ito dahil sa tagal na hindi nakapaglaro ang Pinay boxer sa mga mabigat na kompetisyon dahil sa pandemya kaya puro sparring sila.

Dinagdag niya na nagsilbing warm-up ni Petecio ang naging laban nito kay Marcelat Sakobi Matshu ng Congo.