-- Advertisements --

Tuluyan nang napag-isa ni Mexican superstar Canelo Alvarez ang tatlong mga titulo sa super middleweight division matapos na sumurender sa eight round ang walang talo na British boxer na si Billy Joe Saunders.

Dahil sa panibagong tagumpay ni Alvarez sa unification fight, hawak na niya ngayon ang WBC, WBA at ang WBO crown ni Saunders.

SAUL CANELO ALVAREZ

Matapos ang eight round hindi na bumalik sa gitna ng ring si Saunder sa ninth round dahil sa pamamaga ng kanyang kanang mata.

Ayon sa trainer ng dating kampeon na si Mark Tibbs sa referee, hindi na raw makakita sa kanyang mata si Saunders.

Para naman sa 30-anyos na si Alvarez (56-1-2, 38 KOs) hindi na siya nasorpresa sa kinalabasan ng laban dahil alam niyang nabasag niya ang panga ng karibal.

Sa kabuuan ng kanilang palitan ng matitinding suntok mas epektibo ang mga pinakawalan ni Alvarez na maraming komonekta sa katawan at mukha ni Saunders.

Halatang pilit namang iniiwasan ni Saunders, 31, ang punching power ni Alvarez.

Nang matigil ang laban ay abanse si Alvarez sa tatlong mga judges pagdating sa scorecards.

Sina boxing judges Tim Cheatham (77-75), Max De Luca (78-74) at Glenn Feldman (78-74) ay pinaburan lahat si Canelo makalipas ang eight rounds.

Matapos ang anunsiyo nagbunyi naman ang mga fans ng Mexican star kung saan umaabot sa 73,126 ang mga personal na nanood sa AT&T Stadium sa Dallas Cowboys sa Texas.

Sinasabing record breaking ang crowd mula ng manalasa ang pandemya at binasag din nito ang 42 na taon na record noon pang 1978 sa loob ng stadium sa naging laban nina Muhammad Ali at Leon Spinks.