-- Advertisements --

Nakalabas na ng pagamutan ang Panamanian boxing icon na si Roberto Duran matapos ang pakikibaka nito sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa kanyang Instagram account, inihalintulad ni Duran ang pakikipaglaban nito sa deadly virus sa isang World Championship fight.

“Today, with the blessing of God, I returned home after battling the COVID-19 virus. It was a World Championship fight,” saad ni Duran.

Nagpasalamat din si Duran sa mga doktor at nars na nag-alaga sa kanya, na binansagan din nito bilang mga “champions of life”.

Noong Hunyo 25 nang isugod sa ospital ang 69-year-old retired boxing champion matapos magpakita ng sintomas ng malalang sipon, na kalaunan ay nadiskubreng coronavirus pala.

Matatandaang si Duran, na namayagpag sa lightweight division, ay isa sa mga ikinokonsiderang mga greatest boxer of all time.

Iniluklok si Duran sa International Boxing Hall of Fame noong 2007 matapos ang 33-taong professional career na nakapagtala ng 103-16 record na may 70 knockouts.