-- Advertisements --

Nananatili ngayon sa isang ospital sa Panama ang boxing legend na si Roberto Duran matapos makumpirma na dinapuan ito ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa Instagram post ng kanyang anak na si Robin, sinabi nitong minor symptoms lamang na katulad ng sipon ang naranasan ng kanyang ama.

Hindi naman daw inilagay sa ventilator o sa intensive care ang boxing champion, at sinabi raw ng mga doktor sa pamilya ni Duran na nananatiling nasa magandang kondisyon ang mga baga nito.

Dinala lamang daw sa ospital si Duran bilang preventive measure na parehong bunsod ng kanyang edad at dahil sa nakalipas nitong problema sa baga.

Matatandaang si Duran, na namayagpag sa lightweight division, ay isa sa mga ikinokonsiderang mga greatest boxer of all time.

Iniluklok si Duran sa International Boxing Hall of Fame noong 2007 matapos ang 33-taong professional career na nakapagtala ng 103-16 record na may 70 knockouts.