Sigurado umano na aksyong umaatikabo ang masisilayan sa nakatakdang boxing match nina Sen. Manny Pacquiao at undefeated American boxer Keith Thurman na idaraos dalawang linggo mula ngayon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng batikang sports analyst na si Atty. Ed Tolentino, makikita sa araw ng laban ang magkaiba at nagbabangaang istilo ng dalawang kampeon.
Asahan din umano na magiging mas kapana-panabik ang bakbakan nina Pacquiao at Thurman kumpara sa naging laban ng Pinoy icon noong Enero kay Adrien Broner kung saan nagwagi ito sa pamamagitan ng decision.
Paliwanag ni Tolentino, makikita rin daw sa laban kung may ibubuga pa si Pacquiao sa ibabaw ng ring sa edad na 40-anyos.
“Alam natin si Pacquiao 40-anyos na pero humahataw pa rin. Ito namang si Thurman, ang style talaga nito dating slugger ‘to eh. So nag-evolve lang siya naging boxer lang kaunti kasi nagkaroon ng injuries sa braso so medyo bumo-boxing siya nang kaunti but he’s always been a slugger,” wika ni Tolentino.
Bagama’t mabagal aniyang kumilos si Thurman, taglay pa rin daw nito ang lakas na puwedeng magpatumba sa isang boksingero.
Pinag-iingat ni Tolentino si Pacquiao sa sagupaan nito kay Thurman sapagkat mapanganib na umano para sa Fighting Senator ang lumahok pa sa mga boxing bout dahil sa kanyang edad.
Tiwala naman si Tolentino na magagawa ni Pacquiao na samantalahin ang kahinaan ni Thurman upang magwagi sa kanilang welterweight bout.
Matatandaang sinabi noon ni Top Rank CEO Bob Arum na natatakot daw ito na baka dumanas ito ng brain damage si Pacquiao sa pagharap nito sa walang talong si Thurman.
Pero ayon kay Pacquiao, wala raw dapat ipag-alala ang mga fans sa kanyang kondisyon.