LEGAZPI CITY-Panawagan ngayon ng ilang grupo ng mga mangingisda ang boycott sa mga galunggong sa harap ng patuloy na pag-import ng Pilipinas mula sa ibang bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PAMALAKAYA National Chairperson Fernando Hicap, binigyang diin nito na labis ng naapektohan ang kabuhayan ng mga mangingisda dahil sa pagdagsa ng mga imported na isda lalo na ng mga galunggong.
Dahil dito panawagan ng grupo na itigil na muna ang importasyon maging ang pagbili ng mga Pilipino sa mga imported na galunggong.
Malalaman umano kung imported ang isda kung frozen na ito, hindi na makintab ang balat at namumula na ang mata.
Samantala, inirereklamo rin ng grupo ang P60 hanggang P70 lamang na farm gate price ng bawat kilo ng galunggong na malayong-malayo umano sa bentahan sa Manila na umaabot hanggang P260 ang bawat kilo.