CENTRAL MINDANAO-Kasapi ng isang drug syndicate ang naarestong drug dealer ng mga otoridad sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang suspek na si Randy Arida Manto, 38 anyos, may asawa, miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) at residente ng Barangay Tumbras Midsayap North Cotabato.
Matatandaan na naglunsad ng drug buybust operation ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-12) at Midsayap PNP sa pamumuno ni Lieutenant Colonel John Miridel Calinga sa national highway sa Purok 1 Rose B Barangay Nes Midsayap Cotabato.
Nang akma nang i-abot ni Manto ang shabu sa PDEA-Asset ay doon na siya hinuli at pinosasan.
Nakuha sa posisyon ng suspek ang dalawang malalaking pakete ng shabu na nakalagay sa paper bag na nagkakahalaga ng 600,000.00 pesos at buybust money.
Sinabi ni PDEA-12 Regional Director Naravy Duquiatan na si Manto ay sangkot sa large scale illegal drug trade sa North Cotabato at Maguindanao.
Sa kasalukuyan ang suspek ay nakapiit sa costudial facility ng Midsayap Municipal Police Station (MPS) at sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 1965 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.