Magsasagawa ang Bureau of Plant Industry (BPI) ng inspection sa mga bodega ng sibuyas para alamin kung may nangyayaring hoarding o pagtatago ng supply.
Ito ay kasunod na rin ng naunang kautusan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr na bisitahin ang lahat ng cold storage facilities sa buong bansa kung saan naka-imbak ang mga sibuyas.
Ayon sa BPI, kailangang matukoy kung itinatago ba ang mga bagong-aning sibuyas sa halip na dinadala at ibinebenta sa mga merkado.
Inaasahang matatapos ng BPI ang mga isasagawa nitong serye ng inspection sa loob ng apat hanggang pitong araw.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), kung matutuklasan na itinatago ang bulto-bulto ng sibuyas, tutukuyin ito bilang hoarding at pagtatangkang manipulahin ang presyo ng sibuyas.
Sinumang matutukoy na nagsasagawa nito ay tiyak aniyang sasampahan ng kaso.
Batay sa pagtaya ng DA, dapat ay mayroon nang mga bagong-aning sibuyas sa merkado dahil ang anihan ay nakatakda tuwing Pebrero at Marso.
Nagsisimula na lamang ang pag-imbak sa mga inaning sibuyas sa gitna o huling bahagi ng season.
Nitong weekend, iniulat ng DA na ibinebenta ang pulang sibuyas sa halagang P140 – P240 kada kilo habang ang puting sibuyas ay ibinebenta sa halagang P90 hanggang P150 kada kilo, batay na rin sa pag-iikot ng Bantay Presyo team nito sa ilang merkado sa Metro Manila.