Siniguro ni Bureau of Plant Industry (BPI) Director Gerald Glenn Panganiban na poprotektahan ang lokal na supply ng sibuyas sa kabila ng nakatakda muling pag-angkat ng bansa.
Noong araw ng Lunes, Aug 26, ay una nang iniulat ng Department of Agriculture(DA) ang pag-approba ni Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. sa pag-angkat ng kabuuang 16,000 metriko tonelada ng dilaw na sibuyas para mapigilan ang posibleng pagsirit muli ng presyo katulad ng nangyari noong 2022.
Ayon kay Panganiban, sisiguraduhin ng BPI na ang huling araw ng pagdating ng mga aangkating sibuyas ay sa December 31, 2024.
Ito ay upang mabigyang proteksyon aniya ang mga domestic production o lokal na produksyon ng sibuyas sa bansa.
Inaasahan kasing magsisimula na ang harvest o anihan ng mga sibuyas dito sa Pilipinas pagsapit ng Enero 2025.
Sa pagpasok ng Agusto 2024, mayroong kabuuang 99,519 MT na pulang sibuyas sa Pilipinas habang ang volume ng puti/dilaw na sibuyas ay umaabot na lamang sa 1,642 MT.
Ayon kay Panganiban, tiyak na tataas muli ang demand sa puting sibuyas sa pagpasok ng holiday season kayat kailangang maprotektahan o mapanatili ang presyo nito sa mga merkado.
Kung mananatili ang mababang supply o stock ng puting sibuyas, tiyak aniyang muling tataas din ang presyo, kasabay ng pagtaas ng demand.
Katwiran ng DA, ang pag-angkat muli ng sibuyas ay upang mapatatag at mapigilan ang naturang sitwasyon.