Nanawagan muli ang ilang grupo sa pamahalaan at mga Business Process Outsourcing companies na isuspinde muna ang pasok ng mga BPO workers at siguruhin ang bayad sa mga ito habang umiiral ang enhanced community quarantine bunsod ng banta ng coronavirus.
Ayon kay Mylene Cabalona, presidente ng BPO Industry Employees Network (BIEN) na batay sa kanilang monitoring, marami pa rim umanong mga BPO companies sa Luzon ang nag-o-operate on-site, at may mga BPO workers din daw ang hirap dahil sa kawalan ng katiyakan sa kanilang sasahurin.
Paglalahad pa ni Cabalona, may ilang mga kompanya na nire-require pa ring pumasok ang lahat ng kanilang mga empleyado kahit may lockdown, at marami din daw sa mga ito ang nagpapatupad ng no-work no-pay scheme.
Lantad din daw sa panganib na mahawaan ng COVID-19 ang pumapasok pa ring mga BPO workers dahil sa paggamit ng limitadong bilang ng headsets at kawalan ng social distancing measures.
Hindi rin aniya makapasok ang ilang mga manggagawa dahil sa kawalan ng public transport, at hindi rin daw makapaglaan ang ilang mga kompanya ng accommodation.
“It is simply enraging that in the midst of a crisis, ordinary people including our co-workers in the BPO industry are left with dire choices. It is actually a no-choice situation because we just need to survive,” wika ni Cabalona.
“We reiterate our call to the government and BPO companies to heed the workers call, suspend on-site work and guarantee paid time off for BPO workers at the time of the lockdown,” dagdag nito.
Batay sa inilabas na panuntunan ng gobyerno, pinapayagan ang skeleton workforce sa mga BPO establishments at sa iba pang mga export-oriented industries ngunit dapat na maglaan ang mga ito ng pansamantalang tutuluyan para sa kanilang mga manggagawa.
Kaya naman, patuloy ang panghihikayat ni Cabalona sa mga BPO workers at sa publiko na lumagda sa inilunsad nilang online petition na nananawagan sa pagsuspinde sa on-site work sa mga BPOs, maging ang libreng testing at treatment para sa COVID-19.