Ngayon pa lamang ay binalaan na ni two-division world champion Tim Bradley si Ryan Garcia tungkol sa pangarap nitong makasagupa sa ibabaw ng boxing ring si Sen. Manny Pacquiao.
Ayon kay Bradley, wala pa raw karapatan ang lightweight champion na hamunin at kalabanin ang Pinoy ring icon.
At kung mabigyan naman aniya ng tsansa si Garcia na makasagupa si Pacquiao, malalagay daw sa alanganin ang boxing career nito.
Kung siya raw ang tatanungin, mas dapat umanong pagtuunan muna ng pansin ng batang boksingero ang kredibilidad nito bilang boksingero.
Paglalahad pa ni Bradley, kailangan pa raw ni Garcia na mag-improve base sa ipinakita nito sa kanyang huling laban kontra kay Luke Campbell.
Kung maalala, tatlong beses na nagharap sina Pacquiao at Bradley sa boxing ring kung saan dalawa sa mga ito ang naipanalo ng Fighting Senator.