TACLOBAN CITY – Sinilbihan na rin ng Securities and Exchange Commission (SEC) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng search warrant ang branch ng Organico Agribusiness Ventures Corp sa Tacloban City.
Ito’y matapos ang kanilang pagsalakay sa branch ng Kabus Padatuon (KAPA) Community Ministry International Inc., sa Tacloban kahapon.
Batay sa mga otoridad, naabutan nila na inabandona ang naturang opisina kung saan may nakalagay na “under renovation” sa labas nito.
Dala ang search warrant, puwersahang binuksan ang opisina ng Organico sa Pan-Philippine Highway sa Tacloban City.
Kinuha ng mga CIDG personnel ang ilang mga dokumento sa loob ng opisina ng Organico pati na rin sa katabing mga silid nito.
Sa ngayon ay patuloy ang inventory ng pulisya sa mga dokumentong kanilang nakuha.
Nabatid na kahit rehistrado sa SEC, hindi naman rehistrado ang Organico na tumanggap ng mga investments.