Panibagong diskarte at istratehiya ang inihanda ng Boston Celtics upang makauna sila ng panalo laban sa Miami Heat sa Game 1 ng Eastern Conference finals best-of-seven series na magsisimula ngayong Miyerkules.
Ayon kay Celtics head coach Brad Stevens, inabot sila ng 48 oras upang makabuo ng magandang game plan.
Una nang sinabi ni rookie forward Grant Williams, dahil sa panibago na ang kanilang kalaban matapos ang panalo nila sa Raptors, isa na namang “brand new game plan” ang kanilang pinag-aaralan kasama na ang bagong line-up rotations, bagong play calls at iba pang mga adjustment.
Nagpahiwatig naman si Stevens na kabilang sa kanilang mga diskarte ay kung papaano nila mapipigil ang matinding shooters ng Heat at kung paano rin sila makaka-score.
Sa buong NBA season at playoff series, abanse ang record ng Boston, 2-1, sa head to head match up nila sa karibal na team.