-- Advertisements --

Balik-kulungan na ang dating pangulo ng Brazil na si Luiz Inacio Lula da Silva matapos itong payagan ng korte na makadalo sa libing ng kanyang apo na pumanaw sa edad na pitong taong gulang.

Una rito, pansamantalang nakalabas sa kanyang kulungan sa Curitiba si Lula, kung saan ito ipiniit dahil sa isyu ng katiwalian, at agad na lumipad sakay ng isang eroplano patungo sa Sao Paulo.

Sumalubong naman sa kanya sa Sao Bernardo do Campo cemetery ang ilan sa kanyang mga tagasuporta kung saan kanilang isinigaw ang “Free Lula” at “Lula, warrior for the Brazilian people.”

Nabatid na ang apo nitong si Arthur Araujo Lula da Silva, na supling ng kanyang anak na si Sandro, ay namatay dahil sa sakit na meningitis.

Matapos ang libing, kumaway ito saglit at nakipagkamay sa kanyang mga tagasuporta bago bumalik sa piitan. (AFP)