Ibinalik na ng Brazil ang paglalabas ng online list para sa cumulative total ng mga taong positibo at namatay sa coronavirus sa kanilang bansa.
Ito’y makaraang itigil ng health ministry ang araw-araw na pag-update sa bilang ng mga taong nagkakasakit ng COVID-19 at tanging recovered patients na lamang ang kanilang binibilang.
Kabi-kabilang kritisismo ang hinarap ng bansa mula sa mga tao na hinihinalang sinusubukan umano ng bansa na itago ang katotohanan sa likod ng sitwasyon.
Una na itong ipinagtanggol ni Brazilian President Jair Bolsonaro dahil karamihan daw sa mga state governors ang hindi nagsasabi ng totoo upang makakuha ng mas malaking pondo.
Dahil dito ay ipinag-utos ng Korte Suprema sa Brazil na muling ilabas ang tally matapos umalma ng karamihan sa mambabatas mula sa opposition political party na kinakailangan ng bansa na ipakita ang mga ganitong detalye para labanan ang pagkalat ng sakit.
Sa kasalukuyan ay nakapagtala na ang Brazil ng 742,084 COVID-19 cases, 38,497 deaths at 325,602 recoveries.