-- Advertisements --
Amazon Rainforest image by Greenpeace
Amazon Rainforest/ Greenpeace image

Kumambyo si Brazilian President Jair Bolsonaro sa naging unang pahayag nito na hindi ito tatanggap ng tulong mula sa ibang bansa hinggil sa mas dumoble pang bilang ng pinsala sa malawakang pagkasunog ng Amazon rainforest.

Sa inilatag na kondisyon ni Bolsonaro, nais nito na personal na humingi sa kaniya ng paumanhin si French President Emmanuel Macron matapos niyang tawagin ang Brazilian president na isang sinungaling.

Inakusahan kasi ni Macron si Bolsonaro na nagsinungaling daw ito sa kanilang naging pagpupulong sa Group of 20 summit na ginanap sa Japan noong Hunyo matapos mabigo ni Bolsonaro na respetuhin ang kaniyang sinumpaang climate commitments maging ang pagsusulong ng biodiversity.

Sa oras na mag-sorry na raw ang French president ay saka lamang magiging bukas si Bolsonaro na tanggapin ang $22m o halos dalawang bilyong piso na tulong pinansyal mula sa Group of 7 world leaders.

Nakatakdang gamitin ang nasabing pondo upang rentahan ang mas marami pang firefighting planes na tutulong sa pag-apula ng apoy sa gubat.

Tinatayang umabot na sa 2.5 million ektarya ng gubat ang napinsala sa halos dalawang linggo na pagkasunog ng Amazon rainforest.