(Update) LEGAZPI CITY – Nagpapatuloy pa sa ngayon ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan matapos ang pagkakatuklas ng wala nang buhay na katawan ng tatlong katao sa loob ng isang ukay-ukay store Brgy. Busay, Daraga, Albay.
Kinilala ang mga ito na sina Helen Advincula Garay, incumbent municipal councilor ng Donsol, Sorsogon at tumatakbong bise-alkalde; Karren Dela Rosa Averilla, 44, negosyante; at Xavier Alim Mirasol, 61, negosyante at pawang tumatakbong konsehal.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi, unang naiulat na nawawala ang mga ito matapos umanong makipagkita sa isang coordinator sa national candidate na sinusuportahan.
Sinasabing hindi sumipot ang coordinator habang bigla na lamang nawala at pinaghinalaang dinukot ang tatlo hanggang patay na ng matagpuan.
Nakakaugnayan umano ng mga ito para sa naturang pulong ang isang alyas Bikoy Advincula.
Samantala, hawak na ngayon ng mga otoridad si alyas Bikoy para sa kaukulang imbestigasyon.
Kung maalala una nang iniugnay noon si Advincula sa kumalat na video na “Ang Totoong Narcolist” na umakusa sa pamilya Duterte na sangkot umano sa illegal drug syndicate.
Kalaunan ay bumaligtad ito at kinasuhan naman ng perjury ng ilang nasa oposisyon matapos na kaladkarin sa isyu ang mga ito sa tinaguriang oust Duterte plot.