Kinumpirma ngayon ni DOH Secretary Francisco Duque III ang kauna-unang kaso ng Wuhan coronavirus sa Pilipinas.
Sa isinagawang press conference nitong hapon, iniulat ni Duque na nakumpirma nila na ang nahawaan ng deadly virus ay isang 38-anyos na babaeng Chinese national.
Batay aniya sa travel history ng babae, dumating ito sa bansa noong Enero 21.
Ilan aniya sa mga lugar na tinututukan ng DOH ang nakasalamuha ng pasyente sa pagbisita nito sa Dumaguete City at Cebu.
Sinasabing ang babae ay nagmula sa Wuhan City at dumating sa Pilipinas via Hong Kong.
Nagpakunsulta raw ito at na-confine sa isang government hospital noong January 25 makaraang makaranas ng pag-ubo o mild cough.
Ang findings sa unang pasyente ng nCoV sa bansa ay matapos na matanggap ngayong araw ang confirmatory test sa ipinadalang sample mula sa reference laboratory sa Australia.
Kasunod nito, agad namang nanawagan si Duque na maging kalmado lamang ang publiko at panatilihin ang malusog na pangangatawan kasama na ang preventive measures.
Sa ngayon umaabot na sa 170 ang kumpirmadong nasawi dahil sa novel coronavirus sa China habang halos 8,000 na ang kaso kabuuan kasama na ang ilang mga bansa.
Kasabay nito, iniulat din ni Sec Duque na nadagdagan din ang bilang ng mga tinaguriang number of PUIs (persons under investigation) sa nCoV na umabot na sa 29.
Kabilang dito sa Metro Manila na nasa 18, Central Visayas 4, Western Visayas 3, sa MIMAROPA ay merong isa, gayundin sa Eastern Visayas, Northern Mindanao at Davao.
Sa ngayon wala pa namang naitalang nasawi sa Pilipinas dahil sa nCoV.