Sigurado na rin ang bronze medal ng Pinoy boxer na si Eumir Marcial makaraang umusad na sa middleweight semifinals sa Tokyo Olympics kasunod nang kanyang pag-knockout sa Armenian na si Arman Darchinyan sa loob lamang ng first round nitong Linggo ng umaga.
Si Marcial, 25, ng Zamboanga City ay agad nagpakawala ng kumbinasyon at tinarget ang bodega ng katulad din niyang nag-professional boxer na si Darchinyan.
Isang malakas na right hook na tumama sa panga ang nagpatigil sa laban, may 49 seconds ang nalalabi sa round one.
Bago ito ay nabilangan pa ng mandatory eigth count ang kalaban na world’s No. 5 dahil sa solidong mga suntok na tumama sa kanya.
Kung maalala nitong nakalipas na araw ay nagtala naman ng first-round RSC victory si Marcial kontra sa Algerian na si Younes Nemouchi.
“Hindi ko inaasahan na ma-knockout,” ani Marcial matapos ang laban sa Kokugikan Arena na kokonti lang ang nanood. “Basta… bitaw lang ako ng bitaw ng suntok ko.”
Sunod na aakyat ng ring si Marcial sa August 5 laban naman sa No. 1 ranked na si Oleksandr Khyzhiak ng Ukraine.
Si Khyzhiak ay panalo naman via 4-1 decision kay Cedeno Martinez ng Dominican Republic sa kanyang quarterfinal match.
Sinasabing sina Marcial at Darchinyan ay kapwa nag-training sa ilalim ng Hall of Famer coach na si Freddie Roach sa kanilang panandaliang professional fight.
Kung maalala noong buwan ng Disyembre ay nanalo sa kanyang tanging professional fight si Marcial sa Amerika.
Ngayon pa lamang binansagan na ang “best ever finish” ng Team Philippines ang Tokyo Olympics sa loob ng 97 years na pagsali ng bansa sa pinakamalaking sporting event sa buong mundo.
Liban kasi sa gold medal ni Hidilyn Diaz, sigurado na rin ang silver medal mula kay Nesthy Petecio.