MANILA – Pumanaw na si dating Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali matapos atakihin sa puso.
Ito ang kinumpirma ng kanyang kapatid na si Oriental Mindoro congressman Alfonso Umali. Ayon sa mambabatas, nag-positibo sa coronavirus noong Disyembre ang dating kongresista.
“Kahapon nakakakita ng bacteria sa kanyang liver. Ngayong umaga, bumaba na ang dugo niya tapos nag-cardiac arrest kaninang umaga,” ani Umali sa interview ng DZBB.
Bukod sa COVID-19, na-diagnose din daw noong nakaraang buwan sa Stage 3 liver cancer ang 63-anyos na dating mambabatas, na hindi kalaunan ay umakyat sa Stage 4.
“Magmula noon dire-diretso na siya. December 21 na-ICU na siya e. Around December 26 na-intubate na. Tapos dire-diretso. Nagkaroon na ng complication. Tinatanggalan na ng tubig sa baga, bumababa blood pressure. Na-intubate siya dahil yung kanyang oxygen level,” dagdag ng incumbent lawmaker.
Nagsilbing representative ng ikalawang distrito ng Oriental Mindoro si Umali sa loob ng tatlong termino.
Nakilala siya bilang chairman ng Committee on Justice ng House of Representatives noong 17th Congress.
Ang komite na nanguna sa mga pagdinig sa impeachment complaint na inihain noon kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.