Muli na namang naitala ang record breaking na paghina ng Philippine peso laban sa US dollar matapos na magsara ngayong araw sa P58.99.
Batay sa record ng Bankers Association of the Philippines (BAP) ito na ang ika-limang sunod-sunod na trading day na sumadsad ng husto ang piso.
Noong huling trading ng nakalipas na Biyernes ang isang dolyar ay katumbas ng P58.50.
Nitong nakalipas kasi na araw ng Lunes ay walang trading bunsod na kanselado ang mga tanggapan ng opisina dala ng pananalasa ng supertyphoon Karding.
Ilang mga analyst ang nakapanayam na rin ng Bombo Radyo at nagsabing hindi na sila masosorpresa kung bubulusok pa ang halaga ng piso ng hanggang sa P60 katumbas ng isang dolyar.
Sa kabila nito, pinayapa naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko na walang dapat ipangamba dahil nakaantabay naman sila upang protektahan ang piso at inflation rate sa bansa.
Inaasahan din namang makakabawi umano ang piso bago magtapos ang taon dahil sa bubuhos pa ang mga US dollars na remittances mula sa mga overseas Filipinos.
Una nang inamin ng BSP na hindi malayong magtaas na naman sila ng interest rates kung patuloy na lalakas pa ang dolyar at makikialam pa ang Federal Reserve ng Amerika.
Narito pa ang nakalipas na closing rates:
September 20 = P57.48
September 21 = P58.00
September 22 = P58.49
September 23 = P58.50