Pormal nang niratipikahan ngayon ng Kamara de Representantes ang paghalal kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco bilang bagong speaker kapalit ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano.
Sa naturang ratipikasyon inanunsiyo ang 186 na mga mambabatas na naunang dumalo kahapon sa informal session na ginanap sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City.
Pero lumalabas sa ginanap na maagang sesyon dakong alas-11:00 ng umaga, mas mahigit pa sa 200 ang nagpaabot ng suporta kay Velasco.
Una nang itinakda ang ipinatawag na special session ang Pangulong Rodrigo Duterte ng alas-3:00 ng hapon.
Sa alegasyon ni Cayetano, sapilitan umanong pinabuksan ng kampo ni Velasco ang kandado ng Kamara kahit nakasara pa ito.
Lumabas din ang balita na muling ipinatawag ng Pangulo ang dalawang magkaribal na sina Velasco at Duterte sa ikatlong pagkakataon nitong alas-12:30 ng hapon sa MalacaƱang.
Samantala, idinaan sa nominal voting ang botohan ng mga mambabatas kung saan nagkaroon ng rollcall.
Nagsalita rin ang kinatawan ng mga partido, kasama na ang opposition Liberal Party at partylist groups upang tiyakin ang kanilang pagboto.
Pagkatapos nito ay saka nagsalita sa plenaryo si Velasco na kanyang kauna-unahang bilang House speaker.
Kabilang sa talumpati ni Velasco ay ang kanyang pahaging kay Cayetano na hindi pagsunod sa mga ipinangako sa term sharing agreement.
“Let us show our countrymen that loyalty and fidelity to the promises we make are not mere conveniences for us. let us be good examples of palabra de honor and demonstrate that our word is our bond,” ani Velasco habang binabasa ang talumpati sa kanyang cellphone. “This is for our people, for this august body our Congress, for the word of honor of our beloved President Rodrigo Duterte and for God who makes all this happen. To the Filipino people, we will not let you down. For God and country, maraming salamat po. Mabuhay po ang Kongreso! Mabuhay po ang Sambayanang Pilipino!”
Pinutol din naman kaagad ang sesyon bago mag-alas-12:30 ng hapon para makahabol si Velasco sa pakikipagpulong sa Malacanang kay Pangulong Duterte kasama si Cayetano.