Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang P4.5-trillion national budget na naglalaman ng mga probisyon na tutugon sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Inaprubahan ang House Bill No. 7727 sa botong 267 na affirmative at 6 na negative.
Ang 2021 national budget ay mas mataas ng 9.9% kumpara sa P4.1 Trillion budget ngayong 2020 dahil sa nilalaman nitong mga probisyon patungkol sa laban kontra COVID-19 pandemic.
Sinabi ni House Ways and Means Committee chairman Rep. Joey Sarte Salceda, sponsor ng 2021 General Appropriations Bill (GAB), ang panukalang pondo para sa susunod na taon ay naglalaan ng P893 billion para sa COVID-19 response ng pamahalaan.
Sa P893 billiom, P2.5 billion ang nakalaan para sa pagbili ng anti-COVID-19 vaccine.
Ayon sa Department of Health, kulang ang halagang ito, bagay na sinang-ayunan naman ni dating Minority Leader Bienvenido Abante Jr.
Sa kanyang tantya, nasa 3.9 billion Pilipino lamang ang masasakop sa halagang inilalaan para sa anti-COVID-19 vaccine sa ilalim ng budget bill.
Nangunguna pa rin sa may pinakamalaking budget allocation para sa susunod na taon ang Department of Education, kabilang na ang mga State Universities and Colleges, the Commission on Higher Education, at Technical Education and Skills Development Authority sa halagang P745 billion.
Pumapangalawa rito ang Department of Public Works and Highways sa halagang P667.3 billion.
Pasok din sa Top 10 agencies na may matataas na alokasyon ang Department of Interior and Local Government (P246.1 billion), Department of National Defense (P209.1 billion), Department of Health (P203.1 billion), Department of Social Welfare and Development (P171.2 billion), Department of Transportation (P143.6 billion), Department of Agriculture (P66.4 billion), Judiciary (P43.5 billion), at Department of Labor and Employment (P27.5 billion).
Isang small committee ang binuo ng Kamara na tatanggap ng mga proposed amendments mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan hanggang Lunes sa susunod na linggo.
Ang mga amiyendang ito ay dadaan sa evaluation ng small committee sa darating na Martes at Miyerkules.
Target ng Kamara na maibigay sa Senado ang draft ng aprubadong GAB sa darating na Oktubre 28, at ang printed copy naman nito sa Nobyembre 2.