Tuluyan nang kinoronahan bilang 2020 NBA champions ang Los Angeles Lakers matapos ang paglampaso sa Game 6 sa Miami Heat, 106-93.
Mula sa first quarter na kalamangan, hindi na bumitaw pa ang Lakers.
Maging ang pagbabalik ng Miami point guard mula sa injury na si Goran Dragic ay hindi rin umubra sa bangis ng Lakers.
Sa half time pa lamang umabot na sa 28-points ang abanse ng Los Angeles.
Gumana na rin sa kanilang pagkayod ang iba pang players ng Lakers at hindi lamang si LeBron James at Anthony Davis ang bumandera.
Batay sa kasayasayan ng prangkisa, ito na ang ika-17 kampeonato ng Lakers kung saan inabot din ng isang dekada bago naulit ang pagsungkit nila sa prestihiyosong Larry O’Brien Championship Trophy.
Huling nasa Finals ang Lakers ay noon pang taong 2010 kung saan kabilang pa noon ang NBA great na si Kobe Bryant at naibulsa nito ang kanyang ika-lima at huling championships.
Nagsimula ang unti-unting pagbabalik sa tugatog ng tagumpay ng Lakers nang makuha nila si James.
Bagamat sa unang season nito sa LA ay nabokya si James pero pagsapit ng 2019-2020 ay nagpalakas pa lalo ang team hanggang sa makuha ang prize catch na si Davis.
Naging daan ito upang maging top team ang Lakers sa Western Conference.
Para kay James ito na ang kanyang record-setting 260th playoff game.
Si LeBron din ang unang player na nanguna sa tatlong magkakaibang teams para sa titulo.
Dalawa sa kanyang championship rings ay noong bahagi pa siya ng Miami.
Sa katatatapos na laro muli na namang nagtala ito ng triple double performance na may 28 points, 14 rebounds at 10 assists sa 41 minuto sa court.
Napili din si LeBron unanimously, bilang Finals MVP na ikaapat na sa kanyang career.
Samantala sa unang pagkakataon nakatikim na rin ng kampeonato si Davis kung saan nagdagdag siya ng 19 points at 15 rebounds.
Sa panig ng Heat, nalimitahan naman ang kanilang superstar na si Jimmy Butler na nagkasya lamang sa 12 points, eight assists at seven rebounds.
Naging top scorer sa game si Bam Adebayo na nagpakita ng 25 points, 10 rebounds at five assists.
Ito na ang best game ni Adebayo mula sa kanyang injury kung saan hindi siya nakalaro sa Games 2 at 3.
Si Dragic naman na dumanas ng plantar fascia tear sa Game 1 ay nagposte lamang ng limang puntos mula sa bench.