-- Advertisements --

Iniutos ng Makati City Prosecutor’s ang paglaya ng tatlong mga suspeks sa pagpatay sa flight attendant na si Christine Dacera.

Sa inilabas na tatlong pahinang resolusyon inatasan ng Prosecutor’s Office ang Makati PNP na palayain sa pagkakakulong sina John Pascual Dela Serna II, Rommel Galido at John Paul Halili.

Ang tatlo ang unang inaresto sa 11 tinukoy na mga pangalan na nakasama ni Dacera.

christine ICA dacera FA
Christine Dacera

Ang direktiba ng prosecutors ay kasunod na rin nang deklarasyon ng pamunuan ng PNP na ang kontrobersiyal na pagpatay kay Dacera sa bathtub ng isang hotel ay case “solved” na.

Pero ayon sa resolusyon, kailangan pa ang masusing imbestigasyon habang nakabinbin ang preliminary investigation.

Tinukoy din na ang mga isinumiteng ebidensiya ay hindi raw sapat para ma-establisa na si Dacera ay “sexually assaulted or raped” noong January 1 sa isang room sa City Garden Grand Hotel sa lungsod ng Makati.

Inatasan din naman ng investigating prosecutor ang pulisya na maghain pa ng dagdag na mga ebidensiya tulad ng DNA analysis report, toxicology o kaya chemical analysis at ang tinatawag na histopath examination report.

“After a thorough examination of the evidence presented on inquest, this Office finds that there are certain matters that need to be clarified to determine the participation and culpability of each respondent for the alleged rape and killing of Christine Angelica Dacera y Faba,” bahagi pa ng resolution.

Samantala, itinakda ang hearing para sa preliminary investigation ng kaso sa Jan. 13, 2021, araw ng Miyerkules.

Sa kabilang dako, magsasagawa na rin ng ikalawang autopsy report ang National Bureau of Investigation (NBI) forensic team sa PNP sa bangkay ni Dacera.

Inihayag ni Justice Sec. Menardo Guevarra, inatasan na niya si NBI OIC chief Eric Distor na agad magbigay sa kanya ng update kaugnay ng isasagawang autopsy report.

doj GUEVARRA
Justice Sec. Menardo Guevarra

Maliban dito, nakikipagpag-ugnayan na rin umano ang NBI forensic medicine team sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) para alamin ang totoong sanhi ng kamatayan ng 23-anyos na attendant.

“The NBI forensic medicine team is presently providing assistance to and coordinating with the PNP makati SOCO to determine the true cause of death of Christine Dacera,” ani Guevarra.

Si PNP chief Gen. Debold Sinas naman ay inatasan ang PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na mag-imbestiga rin sa kaso ni Christine.

Paliwanag ni Sinas ang CIDG din ang siyang magbibigay ng subpoena sa mga suspek na sangkot sa Dacera rape-slay case.

Nilinaw ni Sinas, katuwang pa rin ng CIDG sa pag-iimbestiga ang Makati City Police Office.

Sinabi pa ni Sinas na batay sa CCTV maraming mga indibidwal pa ang nakitang labas masok sa hotel room ni Christine bukod pa sa mga tinukoy na suspeks, kaya posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga suspeks na tutugisin ng PNP CIDG.

dacerasinas1

Kinumpirma rin ng heneral na mayroon ng surrender fillers na natatanggap ang PNP mula sa mga suspek.

Bagaman may mga nagpahayag nang pagsuko, hindi naman sinabi ni Sinas kung ilan ang mga ito.