-- Advertisements --
NEST

Pasok na sa gold medal round ng featherweight division si Nesthy Petecio matapos na ma-upset niya ang pambato ng Italy na si Irma Testa sa pamamagitan ng 4-1 split decision sa Tokyo Olympics.

Kinailangang magdoble kayod ang gawin ni Petecio sa second round at third round dahil nakuha ng mas matangkad at mahahaba ang kamay na si Testa ang unang round.

Ibinigay ng mga judges ang lahat ng scorecards sa Italian boxer.

Dahil dito binago ng coaches ni Petecio ang diskarte at pagsapit ng second round ay mas dinikitan niya ang kalaban upang atakehin sa loob.

Dito na ginulat ni Petecio si Testa sa kanyang taktika hanggang pinagbuti niya na dalhin ito hanggang sa third round.

Ang panalo ng Davao del Sur native ay upang pantayan ang nagawa rin noon na umabot sa Olympic finals ng yumaong si Anthony Villanueva noong 1964 sa Tokyo rin at ni Mansueto “Onyok” Velasco noong 1996 Olympic Games sa Los Angeles.

nesthy petecio boxer

Sa ngayon sigurado na si Petecio ng silver-medal finish sa 54-57 kilogram division.

Tiniyak naman nito na gagawing niya all out performance sa pag-akyat muli niya sa ring sa August 3 sa Kokugikan Arena.

Sunod na makakaharap ni Petecio, 29, ang atleta mula sa Japan na si Sena Irie na siyang nanaig naman sa kalahok ng Britanya na si Karriss Artingstall.

Samantala, hindi naman napigilan ni Nesthy na maiyak sa naging panalo niya na kanyang iniaalay sa bayan.

Sa report naman ng Bombo Radyo Davao, maging ang mga kaanak ni Petecio ay nagmistula ring victory party ang sumunod na pangyayari sa kanilang bahay na meron pang handaan.