Kinumpirma ng Malacañang na nag-resign na sa kanyang puwesto si Environment Secretary Roy Cimatu.
Inabot din ng limang taon sa panunungkulan si Cimatu bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sinasabing ang isyu raw sa kanyang “health reasons” ang dahilan ng kanyang pagbibitiw.
Hindi naman idinetalye pa ang ukol sa kanyang kalusugan.
Samantala naglabas na rin ng kalatas ang Office of the President na pirmado ni Executive Secretary Salvador Medialdea na nagtatalaga kay Undersecretary Jim Sampulna bilang officer-in-charge ng DENR.
Kung maalala habang nasa puwesto si Cimatu ay marami itong hinarap na mga kontrobersiyal na usapin katulad sa mining, paglilinis sa Boracay at ang pagpapatayo ng Manila Baywalk Dolomite Beach.
Una nang itinalaga si Cimatu sa DENR para palitan ang yumaong dating kalihim na si Gina Lopez, na hindi pumasa sa Commission on Appointments.
Nagsilbi rin si Cimatu na AFP chief of staff at naging special envoy to the Middle East noong panahon ni dating Presidente Gloria Macapagal-Arroyo.
Kaugnay nang pag-resign ni Cimatu ay ang paglipat naman ni DENR Undersecretary for Solid Waste Management and Local Government Unit Concerns Benny Antiporda bilang bagong senior deputy administrator ng National Irrigation Administration (NIA).