-- Advertisements --

Kapwa pasok sa welterweight limit sina Sen. Manny “Pacman” Pacquiao (59-7-2, 38 KOs)  at ang kampeon mula sa Argentina na si Lucas Martin “The Machine” Matthysse (39-4, 36 KOs) sa katatapos lamang na official weigh-in na ginanap sa Malaysia International Trade and Exhibition Centre (MITEC), Kuala Lumpur, Malaysia.

Sa ulat ni Bombo Ricky Collado mula sa venue sa MITEC, tumimbang si Pacman sa 146 pounds habang hindi naman sila nagkakalayo ni Matthysse na nasa 146.7 pounds.

Pinatunayan ng kampo ng kampeon na walang dapat ipangamba sa timbang ni Matthysse kahit inamin nitong nakalipas na araw na sobra ang bigat nito sa weight limit.

Sa panig naman ng eight division world champion, nasa fighting form ang kanyang timbang at ready na sa giyera.

Kung maalala nang lumaban si Pacquiao kay Jeff Horn at noon kontra kay Floyd Mayweather Jr. ay nasa 146 pounds din ito.

Samantala, napansin naman ng Bombo Radyo na maraming mga Pinoy fans ang dumayo at sumaksi sa weigh-in lalo na at libre sa publiko ang lugar.

Ang iba sa mga ito ay nagdala pa ng tarpaulin at watawat ng bansa upang ipakita ang suporta sa Pinoy ring icon.

Mistulang nasa homecourt ang Pinoy superstar dahil isinisigaw pa ang kanyang pangalan na “Manny! Manny!”

Inaasahang bubuhos pa bukas ang mga OFW sa Axiata Arena sa Kuala Lumpur sa araw mismo ng laban  na binansagang “fight of champions.”Â