Kinumpirma ng Russian authorities na napatay ang isang senior Russian general sa nangyaring car bombing sa Moscow.
Ito ay si General Yaroslav Moskalik, ang pinakabagong Russian military commander o pro-Kremlin figure na pinaniniwalaang tinarget ng Ukrainians na nasa loob ng Russia.
Ayon kay Russian Investigations Committee spokeswoman Svetlana Petrenko, sumabog ang isang Volkswagen Golf matapos tumama ang isang improvised explosive device na may lamang pellets.
Nangyari naman ang pag-atake habang patungo ang special envoy ni US President Donald Trump na si Steve Witkoff sa central Moscow na nakatakdang makipag-usap kay Russian President Vladimir Putin para sa peace talks sa Ukraine.
Nauna ng sinabi ni Russian Foreign Minister Sergey Lavrov na nakahanda ang Russia na magkaroon ng kasunduan sa US para mawaksan na ang giyera sa Ukraine bagamat may ilan aniyang mga elemento na kailangang plantsahin.
Sa parte ng Ukraine, ipinahiwatig ni Kyiv mayor Vitali Klitschko na posibleng kailanganing ibigay ng kanilang bansa ang isang teritoryo bilang bahagi ng peace deal.