Pormal nang nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na Bayanihan to Recover as One o Bayanihan 2 na maglalaan ng P165.5 billion bilang bahagi ng pandemic response at pagrekober ng ekonomiya ng Pilipinas.
Ang pagpirma ng Pangulo ay kapwa kinumpirma nina Executive Secretary Salvador Medialdea at Sen. Christopher “Bong” Go.
Tampok sa pangunahing batas ang paglalaan ng cash subsidies mula sa halagang P5,000 hanggang P8,000 para sa mga low-income households na isinailalim sa granular lockdown at para sa mga kakabalik pa lamang sa Pilipinas na mga overseas Filipino workers at mga nawalan ng trabaho.
Ang batas na siyang pumalit sa naunang Bayanihan to Heal as One Act o Bayanihan 1 ay nagbibigay din nang dagdag kapangyarihan kay Pangulong Duterte na mag-realign ng government funds kaugnay sa pagharap sa pandemya.
Una nang pinagtibay ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang naturang panukala na nagtatakda ng P140 billion na pondo mula sa regular appropriations at ang P25.5 billion ay magsisilbing standby fund.
Sinasabing kabilang sa may malaking parte ng pondo ay ang mga government financial institutions (GFIs) bilang capital infusion na nagkakahalaga ng P39.472 billion na naglalayong pondohan ang credit guarantee program ng PhilGuarantee, suportahan ang wholesale banking and equity ng Landbank of the Philippines, dDevelopment Bank of the Philippines (DBP) at bigyan ng dagdag na pondo ang CARES program ng iba pang lending programs ng gobyerno.
Ikalawa sa may malaking bahagi ng pondo ang Department of Agriculture (DA) na nagkakahalaga ng P24 billion para suportahan ang “Plant Plant Plant Initiative” nito.
Nasa ikatlong pwesto na may P13.5 billion pondo ang mga programa ng gobyerno na may kaugnayan sa pagtugon sa COVID-19 at health-related responses kung saan nakapaloob ang pagbili ng mga face mask, PPEs, shoe covers at face shields.
Saklaw din ng batas ang pagpondo sa pagtatayo ng temporary medical isolation and quarantine facilities, field hospitals, mga dormitory para sa mga frontliners at para sa expansion ng government hospital capacity, maliban pa sa pondo para sa pagtatayo at maintenance ng isolation facilities kasama na ang pagrenta sa mga hotels, food and transportation na gagawin sa COVID-19 response and recovery program ng Office of Civil Defense (OCD) bilang pinuno ng National Task Force against COVID-19.
Nasa P13 billion pondo naman ang inilaan para sa cash-for-work programs para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho.
Mayroon ding inilaang P9.5 billion para sa mga programa ng Department of Transportation (DOTr), P6 billion sa mga programa ng DSWD, P5 billion para sa hiring ng contact tracers, P4 billion sa pagpapatupad ng digital education ng DepEd at kanilang information technology and digital infrastructures and alternative learning modalities.
Nasa P4 billion naman para sa industriya ng turismo, P2 billion ay inilaan bilang subsidiya ng gobyerno sa bayarin ng interest sa mga bago at existing loans na kinuha ng local government units (LGUs) sa Landbank at DBP habang hiwalay pa rito ang P1.5 billion pondo bilang tulong sa mga LGUs.
Samantala, nakapaloob naman sa P25.5 billion standby fund ang mga inisyatibo para sa COVID-19 testing at pagbili ng mga gamot at bakuna laban sa sakit.