Pormal nang inanunsiyo ngayon ni Sen. Bong Go ang kanyang pag-atras sa pagtakbo bilang presidente ng Pilipinas sa 2022 elections.
Ginawa ng senador ang pahayag kasunod ng kanyang pagdalo sa seremonyas ng Bonifacio Day sa Pinaglabanan Shrine sa San Juan City.
Inamin ni Go na hindi pa napapanahon sa pag-ambisyon niya sa pinakamataas na posisyon na ayaw din naman ng kanyang pamilya.
Taliwas din umano ang kanyang aktuwasyon sa tunay naman na saloobin ng kanyang puso at isipan.
Liban nito, naaawa rin daw siya kay Pangulong Rodrigo Duterte na halos kanyang pangalawang tatay na dahil sa may edad na ito na mahihirapan para sa pangangampanya sa kanya.
“Matanda na po siya at marami na rin siyang naibigay para sa bayan kaya ayaw ko na pong dagdagan pa ang kaniyang problema,” ani Sen. Go. “In the past few days I realized that my heart and my mind are contradicting my action. Talagang nagre-resist po ang aking katawan, puso at isipan… Sa ngayon po iyon po ang mga rason ko, that is why I am withdrawing from the race.”