Kahit man sa huling sandali, puno pa rin ng drama at palabas si US President Donald Trump sa kanyang pag-alis sa White House.
Sa halip na sundin ang tradisyon at mga precedent, sinadya ni Trump na hindi dumalo sa inauguration ni President-elect Joe Biden sa US Capitol.
Dakong alas-9:15 ng gabi (PH time) nang sumakay si Trump sa Marine One bilang kanyang final ride mula sa White House kasama si First Lady Melania Trump. Ginawa niya ito apat na oras bago naman ang pormal na pag-upo sa puwesto ni Biden.
Dumiretso si Trump sa Joint Andrews Base sa Maryland kung saan nandoon nag-aantay ang kanyang pamilya, ilang mga supporters at maging ilang officials na kanyang mga naging kritiko bilang bahagi ng send-off party.
Sa pagbaba nito sa presidential chopper ay umakyat ito sa entablado para magbigay ng maiksing talumpati upang magpasalamat sa kanyang mga staff at pamilya.
Ipinagmalaki rin ang ilang achievement ng kanyang pamamahala sa loob ng apat na taon kasama na raw ang ekonomiya.
Maging si Melania ay pinasalita rin.
“It’s been a great honor. The honor of a lifetime,” ani Trump sa kanyang mensahe. “We’ve had an amazing four years… I just want to say goodbye but hopefully it’s not a longterm goodbye. We’ll see each other again.”
Kapansin pansin naman na hindi siya nagbanggit sa kanyang successor.
Ang pag-alis ni Trump patungo sa kanyang tahanan sa Palm Beach sa Florida habang hindi pa nakakapanumpa si Biden ay upang magamit pa rin daw ang kanyang kapangyarihan katulad nang paggamit sa presidential plane na Air Force One.
Ang ganitong tanawin ay taliwas sa mga nasilayan sa nakalipas na mga turn over ng bagong presidente ng Amerika.
Samantala, matapos ang talumpati binati ni Trump ng personal ang ilang nasa crowd at nilapitan kung saan napansing hindi ito nakasuot ng face mask.
Habang nagaganap ito, patungo naman si Biden at kanyang pamilya kasama si Vice President-elect Kamala Harris sa Cathedral of St. Matthew the Apostle sa Washington, DC.
Si Vice President Mike Pence ay hindi na sumama sa paghatid kay Trump dahil dadalo pa ito sa inagurasyon ni Biden.
Sa kabilang dako, batay sa kasaysayan ng Estados Unidos si Trump ang ikaapat na presidente na hindi dumalo sa swearing-in nang susunod na president. Huling naganap ito makalipas ang 152 taon.
Kabilang sa hindi rin sumipot sa mga seremonyas noon ay sina Presidents John Adams (1801), na second US president; John Quincy Adams (1829), ang sixth president at Andrew Johnson (1869), ang ika-17 presidente at unang na-impeach. Ang tatlo ay mga one-term presidents na tulad din ni Trump.