(Update) Balik na sa kanilang joint session ang US Congress ilang oras matapos na ilagay sa lockdown makaraang makapasok ang ilang mga supporters ni US President Donald Trump.
Una rito, biglang natigil ang sesyon ng mga mambabatas upang isapormal na sana ang ratipikasyon sa panalo noong November presidential elections ni President-elect Joe Biden.
Ang proseso ng mga senador at congressman ay upang bilangin at i-certify ang Electoral College votes para sa president at vice president.
Pero binulabog ito at itinigil muna ang nagaganap na debate.
Ilan sa mga Trump supporters ay pinasok din maging ang session hall ng Kongreso.
Ilang bintana o glass windows ay binasag din ng mga nagpoprotesta na ang iba ay hawak-hawak pa ang bandila ng Amerika.
Agad namang pina-evacuate ang mga mambabatas maging si Vice-President Mike Pence matapos bulabugin sa paglusob ng mga protesters.
Ang iba sa mga mambabatas ay pinatago muna at pinasuot ng gas mask.
Kumalat din ang mga larawan ng ilang mga mambabatas na dumapa at nagtago sa ilalim ng mesa o upuan dahil sa takot.
Una rito, nagsimula ang rally ng libu-libong mga supporters kagabi (PH time) malapit sa White House at ilan pang ligar hanggang sa magmartsa patungong harapan ng Capitol Building nitong madaling araw ng Huwebes (afternoon DC time).
Pinainit pa ang rally nang suportahan mismo ni Trump ang kanyang mga tagasunod kung saan inirereklamo pa rin ang umano’y naganap na malawakang dayaan noong November elections.
Sa January 20 ay nakatakda sana ang inagurasyon ni Biden bilang susunod na presidente ng Amerika.
Ang nangyari ngayon sa Washington ay kauna-unahang sa kanilang kasaysayan.
Kadalasan ay pormalidad lamang o procedural ang ratipikasyon sa resulta ng electoral votes.
Gayunman hinaharang ito ng ilang grupo na kapartido ni Trump mula sa Republicans kaya nauwi sa mahabang debate.
Samantala, sinasabing ang standoff ay hindi inaasahan kaya nagpadala ng mga reinforcement na mga pulis sa lugar.
Ang mayor ng DC ay nagdeklara na rin ng curfew simula alas-6:00 ng gabi (7AM PH time).
Si House Speaker Nancy Pelosi ay umapela sa National Guard troops na i-secure ang Capitol.
Napansin naman sa Twitter post ni Pres. Trump na hindi niya pinatitigil ang rally at pag-okupa ng kanyang mga supporters sa Kongreso bagamat nanawagan siya na “no violence.”
“I am asking for everyone at the U.S. Capitol to remain peaceful. No violence! Remember, WE are the Party of Law & Order – respect the Law and our great men and women in Blue. Thank you!,” ani Trump sa kanyang Twitter.
Bigla rin namang nagsalita sa national television si Biden at mariing kinondena ang pangyayari.
Nanawagan din ito kay Trump na pakiusapan ang kanyang mga supporters na ipatigil ang karahasan.
“Let me be very clear: the scenes of chaos at the Capitol do not represent who we are. What we are seeing is a small number of extremists dedicated to lawlessness. This is not dissent, it’s disorder. It borders on sedition, and it must end. Now,” bahagi ng panawagan ni Biden. “I call on President Trump to go on national television now to fulfill his oath and defend the Constitution by demanding an end to this siege.”
Makalipas nito ay nagsalita na rin sa White House si Trump upang umapela sa mga raliyesta.