-- Advertisements --
Boris Johnson
Boris Johnson/ IG Post

Inihahanda na ng European Union leaders ang magiging tugon ng mga ito sa ilalatag na Brexit proposal ni United Kingdom Prime Minister Boris Johnson sa harapan ng Members of the Parliament.

Nakatakdang ipresenta ngayong araw ni Johnson ang kaniyang naisip na Brexit deal kung saan inaasahan na mananatili umano ang Ireland sa ilalim ng European single market ngunit aalis ito sa customs union na magreresulta sa bagong customs checks.

Bukas naman aniya ang European Commission sa naisip ni Johnson ngunit may mga problema pa rin daw silang nakikita sa oras na ipatupad ito.

Nanindigan din ang pinuno ng UK na wala nang makakaharang pa sa tuluyang pagkalas ng kaniyang bansa sa ilalim ng European Union sa darating Oktubre 31.

Una nang binigyan-diin ni Johnson na hindi ito hihingi ng extension kahit pa walang mapagkakasunduan na deal bago sumapit ang Oktubre 19.

Ayon kay Irish Prime Minister Leo Varadkar, kinapos umano ang UK na maabot ang napagkasunduang objectives sa backstop.

Ang backstop ay isang mechanism na idinesenyo upang maiwasan ang hard border sa isla ng Ireland matapos ang Brexit.

Ngunit sinabi rin ni Varadkar na handa siyang aralin ang naturang proposal.