Napilitan nang magsalita si United Kingdom Prime Minister Theresa May patungkol sa patuloy na pagkwestyon ng nakararami sa pananatili nito sa kanyang posisyon. Patuloy daw siyang makikipag-diskusyon sa Conservative Party nagsisilbi pa sa gobyerno.
Una ng sinabi ni May na magbibitiw ito sa pwesto kapag naipasa na ang kanyang isinulong na Brexit deal sa Parliament ngunit mukhang hindi pa rin ito matutuloy dahil sa ikatlong beses na pagbasura ng mga mambabatas sa nasabing deal kung kaya’t hanggang ngayon ay hindi pa malinaw ang eksaktong araw kung kailan ito bababa sa kanyang pwesto.
Gayunpaman, dinepensahan nito ang desisyon niyang tanggapin ang Brexit delay hanggang Oktubre at giniit nitong ang pag-alis ng Britain sa European Union ay isa raw “national duty.”
Iginiit din nito na maaaring umalis ang Britanya sa European Union bago sumapit ang binigay na deadline sa October 31 at maaari rin daw itong umiwas sa pakikiisa sa European elections na gaganapin sa susunod na buwan.
Inamin din ni PM May na kung sakaling walang kalabasang resulta ang agreement ay kailangang mag desisyon ng Members of Parliament para sa Brexit deal. Kung saan ito ay magsisilbing pintuan para sa ikalawang referendum.