LEGAZPI CITY – Suwerteng walang tinamong sugat ang dalawang kataong sakay ng ambulansya na pinasabugan at niratrat sa Brgy. Bagacay, Mobo, Masbate.
Kinilala ang mga biktima na sila Oliver Ocap, 48, driver ng ambulansya at Florentino Mahilum, 50 na parehong residente ng Brgy. Armenia, sa bayan ng Uson.
Base sa inisyal na imbestigasyon, patungo ang barangay ambulance na isang multicab, sakay ang dalawa sa Uson mula lungsod ng Masbate.
Subalit sa pagdating sa lugar, bigla na lang sumabog ang isang improvised explosive device (IED) na sinundan ng putok ng mga baril.
Pinaniniwalaang mula ito sa mataas na kalibre ng mga armas.
Nagtamo ng mga pinsala ang naturang sasakyan.
Agad naman na pumunta sa area ang pinagsanib na pwersa ng Mobo Municipal Police Station at 1st Provincial Mobile Force Company ng Masbate para sa hot pursuit operation.
Nag-request rin ng Explosive and Ordnance Division personnel sa pagsasagawa ng post blast investigation.