KORONADAL CITY – Isinailalim sa pitong araw na Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Barangay Sta. Cruz at mga purok ng Malipayon at Twin River West sa Barangay Sto. Niño, Koronadal City.
Ito ay matapos ang ilang pagtaas ng mga kaso ng COVID 19 sa nasabing mga lugar.
Nagpalabas naman ng Executive Order No. 89 si Koronadal City Mayor Eliordo Ogena, kung saan simula Setyembre 27 hanggang Oktubre 3 ang isinagawang pagpapailalim sa lockdown ng mga lugar na may naitalang kaso.
Ayon naman kay Koronadal City Health Officer Dr. Editho Vego, nasa 26 na ang kaso ng Covid-19 sa Barangay Sta. Cruz, habang 16 naman sa Barangay Sto. Niño at karamihan ay mula sa Malipayon at Twin River West.
Maaari lamang makalabas ang mga residente ng nabanggit na mga lugar na base sa kanilang color clustering at ang mga Authorized Person Outside Residence (APOR) o mga taong nagtatrabaho bilang mga essential workers.
Ipinasiguro naman ng alkalde na magbibigay sila ng food packs sa mga residenteng apektado ng lockdown.
Nagbabala naman ito na aarestuhin ang mga lalabag sa lockdown.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang contact tracing sa nasabing mga lugar upang mahanap ang mga taong may direct contact sa mga nag-positibo sa virus.