-- Advertisements --

VIGAN CITY – Sinisikap ng Commission on Elections (COMELEC) na gawin ang lahat ng kanilang makakaya upang hindi maantala ang isasagawang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa bansa.

Ito ay sa kabila ng kumakalat na balita na posibleng maantala o hindi matuloy ang nasabing eleksyon sa susunod na taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay COMELEC Spokesman James Jimenez, sinabi nito na nakahanda na ang poll body para sa muling pagbubukas ng voter registration na nakatakdang magsimula sa August 1 hanggang September 30 ngayong taon.

Hinihikayat ni Jimenez ang mga first time voters na magparehistro sila sa Agosto upang makalahok sa nasabing halalan.

Kasama rin sa aasikasuhin ng poll body ang reactivation at mga transferee.

Ipinaliwanag naman ng poll body na automatic na maililipat sa listahan ng mga regular voters ang pangalan ng mga nakaboto sa SK elections na kaka-18-anyos lamang.

Upang mapadali na rin ang pagrerehistro ng mga botante, magtatakda ang COMELEC ng mga voters registration area o off-site area sa mga mall at paaralan upang hindi masyadong mahirapan at matagalan ang mga botante.