-- Advertisements --

LAOAG CITY – Hindi na pinakawalan ng mga kasapi ng PNP Dingras ang barangay captain ng Brgy. Barong, Dingras, Ilocos Norte at kasama nito matapos mahuling nagsusugal sa isang lamay sa Sitio 3 ng nasabing lugar.

Nakilala ang opisyal na si Kapitan Edilberto Gudoy, 64-anyos at ang kasamang si Felix Doropan, 56-anyos parehong residente ng nasabing barangay.

Una rito, nagsumbong ng isang concerned citizen ang iligal na ginagawa ng grupo ng kapitan na naglalaro ng Lucky 9 sa lamay ng isang pamilya.

Sa pagresponde ng mga otoridad ay agad na nahuli ang kapitan at si Doropan, at nakatakas ang limang naglalaro ng Lucky 9 kasama ang banker.

Nakumpiska nila ang mahigit P47,000 na bet money, 40 piraso ng baraha, cellphone at iba pang gamit sa iligal na pagsusugal.

Nahaharap ngayon ang dalawa sa paglabag ng Presidential Decree 1602 o illegal gambling.

Wala namang reaksiyon ang barangay captain sa kung bakit nagsusugal ito.