ILOILO CITY – Mariing itinanggi ng Punong Barangay ng Jayobo, Lambunao, Iloilo ang akusasyon na siya ay nagmamay-ari ng loose firearms na nakumpiska ng otoridad noong Mayo 13 midterm elections.
Ito ang kasunod ng pagkahuli ng 12 Barangay Tanod sa nasabing lugar dahil sa pagbitbit ng hindi lisensyadong baril at pagkakumpiska ng mga baril at bala sa loob ng isang van na ginamit mismo ni Punong Barangay Milky Lira kahit na mayroong gun ban.
Ayon kay Lira, hindi totoo na ang mga nahuling Barangay Tanod ang nagmamay-ari sa dalawang baby armalite rifle, isang caliber .45 pistol, isang caliber .9mm pistol, isang 12 gauge shot gun at mga bala.
Inihayag ni Lira na ang mga nasabing armas ay isinuko ng mga New People’s Army (NPA) Members o mga wanted persons tatlong buwan na ang nakaraan at ito ay nakumpiska sa loob mismo ng Barangay Hall.
Kasabay nito, inamin ng Punong Barangay na mayroong banta sa kanyang buhay galing umano sa mga kandidato sa kanilang bayan.
Ayon naman kay Police Major Rene Obregon Jr., hepe ng Lambunao Municipal Police Station, kinasuhan na ng paglabag sa Election Gun Ban at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang mga Barangay Tanod at ang nasabing Punong Barangay.
Ayon kay Obregon, hindi maituturing na ‘proper authority’ sa pagkustodiya ng mga armas ang Punong Barangay.