VIGAN CITY – Kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 ang haharapin ng barangay kapitan sa Brgy. Mayngangay Sur, Santa Maria, Ilocos Sur nang maaktuhan ng mga pulis na naglalaro ng baraha kasama ang dalawa pang senior citizen.
Sa nakalap na report ng Bombo Radyo Vigan mula sa Sta. Maria Municipal Police Station, nakatanggap sila ng report mula sa concerned citizen na mayroong naglalaro ng baraha kung saan huli sa akto si Barangay Captain Ernesto Dasalla Jr, 69; kasama nitong sina Crispulo Domingo, 70; at Amante Dosono, 79; na naparehong nakatira sa Barangay Tinaan sa nasabing bayan.
Dismayado umano si PCpt. Regin Cabico, hepe ng Sta. Maria PNP dahil mismong ama ng barangay ang kanilang nahuli na dapat sana ay nagsisilbing magandang ehemplo sa kaniyang nasasakupan.
Nakuha mula sa mga suspek ang isang set ng baraha at pera na aabot sa P195 at ngayon ay nakapiit sa Sta. Maria Municipal Police Station.