(Update) CEBU CITY – Nagpapatuloy ang manhunt operation ng Negros Oriental PNP upang mahuli ang persons of interest sa pag-ambush sa isang barangay chairman at kasama nito sa Brgy. Kalamtukan, Bayawan City, Negros Oriental.
Patay ang barangay captain na si Johnny Condez, 47, at ang kasama nitong si Danny Marata Jr., 16, matapos pinaulanan ng bala ang sinakyan nitong rescue vehicle noong Nobyembre 14 ng gabi.
Ayon kay Negros Oriental provincial police director Colonel Julian Entoma, biglang sumugod ang hindi bababa sa 10 mga armadong lalaki habang naghahanap ng cellphone signal ang barangay chairman.
Nagbunsod ito sa agarang pagkamatay ng dalawa matapos umanong tinadtad ng bala ang kanilang katawan.
Narekober mula sa crime scene ang ilang bala mula sa mga high-powered firearms gaya ng mga shotgun, M16-armalite rifle, at iba pa.
Nagtamo rin ng gunshot wounds ang iba pang mga kasama ng barangay chairman na sina Danny Marata Sr., 48, at Edilito Magbanua, 52.
Sinabi rin ni Entoma na si Johnny Condez ay ang suspek sa pagpatay ng kapatid nyang barangay councilor at ang pamangkin nito noong nakaraang buwan.
Dagdag pa nito, ihahain na sana ang search warrant laban sa barangay chairman ngunit natagalan ito dahil hinintay nila ang approval ng korte.
Nag-deploy na ang Negros Oriental PNP ng kanilang tracker team upang mahuli kaagad ang mga responsable sa pagpatay ng naturang barangay chairman.